Martes, Disyembre 2, 2014


                             Bata hinahasa tuwang tuwa paglalayag sa puso ng isang bata

                                                             Ni Genoveva Matute



Binata na siya marahil ngayon. O baka ama na ng isang mag-anak. Ito ay kung nakaligtas siya sa nakaraang digmaan…nguni’t ayaw kong isiping baka hindi. Sa akin, siya’y hindi magiging isang binatang di-kilala, isang ama, o isang alaala kaya ng Bataan. Sa akin, siya’y mananatiling isang batang lalaking may kaliitan, may-kaitiman at may walong taong gulang.
Pagkaraan ng daan-daang tinuruan, mga sumipot, nanatiling saglit, at lumisan pagkatapos, pagkaraan ng mga taong ang ila’y nagdumali, ang ila’y nagmabagal at ang ila’y nakintal sa gunita, buhay na buhay pa sa aking isipan ang kaniyang mukha at ang kaniyang pangalan. Nguni’t ang buhay sa lahat ay ang isang bagay na itinuro niya sa akin, isang araw, nang siya ang aking maging guro, at ako ang kanyang tinuruan.
Isa siya sa pinakamaliliit sa klase. At isa rin sa pinakapangit. Ang bilog at pipis niyang ilong ay lubhang kapansin-pansin at tingnan lamang iyo’y mahahabag na sa kanya ang tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa kanya. Mayroon siyang kakatuwang “punto” na nagpapakilalang siya’y taga-ibang pook.
Nguni’t may isang bagay na kaibig-ibig sa munti’t pangit na batang ito, kahit sa simula pa lamang. Nagpapaiwan siya tuwing hapon kahit hindi na siya hilingan nang gayon. Tumutulong siya sa mga tagalinis at siya ang pinakamasipag sa lahat. Siya rin ang pinakahuling umaalis: naglilibot muna sa buong silid upang pulutin ang mga naiiwang panlinis. Lihim ko siyang pinamamasdan habang inaayos niya ang mga ito sa lalagyan, ipinipinid, at pagkatapos ay magtutungo sa likod ng mga hanay ng upuan upang tingnan kung tuwid ang bawa’t isa. At sa pintuan, lagi siyang lumilingon sa pagsasabi ng, “Goodbye, Teacher!”
Sa simula, pinagtakhan ko ang kaniyang pagiging mahihiyain. Nakikita ko siyang gumagawa nang tahimik at nag-iisa—umiiwas sa iba. Paminsan-minsa’y nahuhuli ko siyang sumusulyap sa akin upang bawiin lamang agad ang kanyang paningin. Habang tinatanaw ko siya tuwing hapon, pinakahuli sa kaniyang mga kasamahan, ay naiisip kong alam na alam niya ang kaniyang kapangitan, ang kakatuwang paraan ng kanyang pagsasalita.
Unti-unti kong napagdugtung-dugtong ang mga katotohanan tungkol sa kanyang buhay. Payak ang mga katotohanan: siya’y isang munting ulilang galing sa lalawigan, lumuwas sa malaking lungsod bilang utusan. At kalahating araw siyang pumapasok sa paaralan upang may makasama sa pagpasok at pag-uwi ang anak ng kanyang panginoon.

                                            PAGLALAYAG SA PUSO NG ISANG BATA 
                                                             ni Genoveva Matute




Isang araw ay ginunita ng guro ang pinagsamahan niya at ng kanyang mabuting estudyante. Inilarawan niya ang kanyang estudyante bilang pinakamaliit at pinakapangit sa buong klase na mayroong kakatuwang punto na nagpapakilalang siya ay taga-ibang lugar. Ngunit sa kabila nito, siya ay palaging nagpapaiwan tuwing hapon sapagkat tumutulong siya sa mga tagalinis, tinutuwid ang mga upuan at bago umalis ay lumilingon upang magsabi ng “Goodbye,teacher!” At di nagtagal, nalaman ng guro na siya ay munting ulilang galing sa lalawigan na lumuwas sa malaking lungsod upang mamasukan kung kaya’t napagtanto ng guro na maliban sa itsura, ang mga iyon ay dahilan din ng kanyang madalas na pag-iisa. Simula nang kanyang malaman ang tungkol dito, tinatawag na niya ito ng madalas sa klase at pinapagawa ng mga mumunting mga bagay para sa kanya. Doon ay nakabuo sila ng tahimik na pagkakaibigan ngunit isang araw ay napagbaligan ang estudyante ng kanyang init ng ulo at dama niya ang labis na pagkalungkot ng bata. Subalit kahit ganoon ang nangyari, hindi pa rin nakalimot ang estudyante sa mga ginagawa niya para sa guro sa araw-araw. At dahil sa ginawang ito ng bata, nasabi ng guro sa kanyang sarili na ang kanyang mabuting estudyante ay kanyang nagging guro.